CHAPTER THE SEVENTH

Children on Board

In Mga larawan ng aking pusong nagpipilit sumaya on Marso 22, 2014 at 10:15 umaga

20140322-101212.jpg
Day 81: ” CHILDREN ON BOARD “.

Hindi madali para sa akin ang desisyong ilahad ang kuwentong ito ngayon. Una, sapagkat napakaraming taon narin naman ang lumipas at napakadaling ibaon na lang sa limot ang isang masamang ala ala. Pangalawa, marami na akong mga taong napaniwala na walang kapintasan ang aking buhay pamilya. At pangatlo, dahil nga sa tagal narin ng panahon, miski na papaano ay nakapagpatawad na ako. Miski na papaano.

Isang nakakabagabag na post sa Facebook ang nakita ko nitong umaga. Tungkol ito sa isang sampung buwang gulang na bata na sinaktan nang kanyang sariling ina. May pinagdadaanang problema daw ang ina kaya niya nakuhang pagmalupitan ang kanyang anak. Itong kuwentong ito ang siyang nag udyok sa akin na ibahagi ang aking istorya.

Malapit sa puso ko ang mga kuwentong tulad nang nabasa ko kaninang umaga. Sapagkat ako rin ay isang biktima ng mapang abusong ina. Sa tuwing magbabalik tanaw ako sa aking kabataan, walang isang araw akong matandaan na tunay akong naging maligaya. Puro ala ala ng pananakit, dalamhati, at kawalang pag asa ang parating bumabagabag sa akin sa tuwing gugunitain ko ang sana ay ang pinaka maligayang mga araw ko bilang isang bata.

Ako ay makailang ulit na sinaktan nang aking tunay na ina. Muntik pa niya ako mapatay. Kung hindi pa ako sinagip nang aking lola, hindi pa ako makakaligtas sa kanyang kalupitan. Malinaw na malinaw pa sa aking isip kung paano niya ako halinhinang hagupitin ng sinturon, tsinelas, walis at kung ano pang mga bagay na kanyang madampot. Wala siyang pinipiling parte nang aking katawan. Natatandaan ko rin ang maka ilang ulit niyang pag umpog nang aking ulo sa pader. Ang bawat araw at gabi ko nuon ay isang bangungot. Akala ko wala nang katapusan. Kalaunan, nagkahiwalay din ang aking mga magulang. Akala ko ay tapos na. Ngunit parang isang masamang biro ng tadhana ang nangyari sa akin.

Muling may kinasama ang aking ama. At sa kasamaang palad, naulit muli ang mga pananakit sa akin. Muli ako nakaranas ng pang aabuso. Pisikal, emosyonal, at mental na pagmamalabis. Buti sana kung bugbog lang sa katawan ang ipinaranas sa akin nang aking madrasta, pero ang ginawa niya ay sumira sa aking buong pagkatao.

Paulit ulit niya akong ipinapahiya sa harap ng ibang tao. Araw araw niyang ipinapasok sa isip ko na wala akong silbi at walang patutunguhan ang buhay. Lagi akong may pasa sa katawan at sugat sa mukha. Minsan na akong nag sumbong sa aking ama, umasa ako na ako ay kanyang matutulungan. Pero hindi niya ako inintindi. Hindi niya ako pinakinggan, hindi niya ako pinaniwalaan. Bagkus ay ako pa ang kanyang sinisi.

Paglalayas ang naging solusyon ko sa aking mga naging problema. Pilit kong kinalimutan ang lahat ng masamang aking pinag daanan. Pinilit kong maging matatag. Sa harap ng maraming tao, pinilit kong maging masaya. Ngunit kapag ako ay mag isa na lamang, parating bumabalik ang madilim na ala ala ng aking kabataan.

Sa paglalakbay ko sa buhay, nakatagpo ako ng mga taong aking pinagkatiwalaan. Pinagpayuhan nila akong magpatawad. Ipinagdasal ko nang paulit ulit na sana ay maging bukal sa puso ko ang magpatawad. Mas mahirap pala ang isabuhay ang kapatawaran kaysa sabihin ito. Napaka hirap!

Maka ilang ulit ko na rin tinangkang maghanap ng mga kasagutan. Bakit ko kailangan maranasan ang mga dinanas ko? Ano ang nag udyok sa aking ina na ako ay kanyang pagbuhatan ng kamay? Ano ang kanyang pinagdaanan? Ano rin ang makatarungang dahil kung bakit ako pinagmalupitan ng labis nang aking madrasta? Ano ang kasalanan ko? Sa kasamaang palad, hanggang ngayon wala akong kasagutan.

Sa kasalukuyan, naghilom na nga ang mga sugat at pasa ng pananakit. Pero dala dala ko ang mabigat na dalamhati sa aking puso magpasahanggang ngayon. Dahil sa ginawa sa akin, mababa ang tingin ko sa aking sarili. Hirap na hirap akong magtiwala. Hirap na hirap akong ipagtanggol ang aking karapatan, hirap na hirap akong mabuhay.

Nailahad ko ang aking kuwento upang maging buhay na tagapagpatunay na ang mga batang nakaranas ng pang aabuso ay habang buhay na magdurusa kung hindi natin sila matutulungan. Sana ay mailayo agad sa mga mapang abusong mga magulang ang mga batang sinaktan nang walang laban. Kailangan nila ng tulong natin.

Sana ay huwag na nila maranasan ang naranasan ko. Sana ay wala nang batang pagdadaanan pa ang bangungot na aking pinagdaanan. Sana.

Page 139

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s