CHAPTER THE SEVENTH

Isang mahabang kuwento

In Mga kuwento nang aking pusong nag sisenti on Hunyo 18, 2015 at 10:06 umaga

image

Day 169

Umugoy muli ang duyan Martes nang gabi. Maaga pa lamang ay nararamdaman ko nang siya ay paparating. Dapat pala ay hindi na ako pumasok nuon. Dapat pala ay sinunod ko na ang binubulong nang aking isip. Dapat pala ay hindi ko na hinayaang manaig ang kagustuhan ng aking puso. Nagpatalo ako! Maling mali! Pinilit kong pumasok sapagkat may naipangako ako. Kailangan kong tuparin ang aking binitawang salita. May umaasa sa akin.

Hindi naging maganda ang simula ng aking trabaho. Gustong gusto kong makipagsabayan at humigit! Pero hindi ibinibigay ng pagkakataon. Duon na nagsimula. Ang unang sigwada! Hindi ko napigilang mag salita. Galit na galit ako sa aking sarili! Gusto ko sumigaw! Pilit kong kinikimkim ang aking nararamdaman. Hindi ako puwede magalit! Nag isip akong iwan ang aking nasimulan. Buti na lamang at mas nangibabaw ang katuwiran. Pinilit kong kumalma at ipinahayag ko sa kinauukulan ang aking intensiyong umalis na lamang.

Naging mabilis ang takbo ng mga pangyayari. Maya maya pa ay kinakausap na ako ng Pinuno. Maganda naman ang kanyang mga sinabi. Pinilit kong magdahilan. Sa kasamaang palad, hindi lumabas mula sa aking bibig ang mga salitang dapat sana ay aking sinambit! Nagpadala na lamang ako sa agos ng tubig. Tutal, nahatulan na akong walang tiwala sa sarili. Para sa pagtanggap ng kahinaan ay pinayagan naman akong magpahinga.

Nang oras na ng pag kain ay sumabay ako sa karamihan. Tuloy lang ang kanilang buhay. Ako naman ay tuliro at desidido paring umalis. Ngunit pagkatapos kong makausap ang ilan ay bahagyang nalinawan ang aking isip. Tama! Hindi ako dapat umalis sa puntong iyon. Mas malaking problema kapag sinunod ko ang aking nais.

Nasundan pa ang pag ugoy matapos naming kumain. May nasaksihan akong isang tagpo na lubos na kinasama ng aking loob. Bukod sa hindi ko na nga nakuha ang pasasalamat at pansin na aking inasahan sa pagtupad ng pangako ay tila sinampal pa ako. Siyang aking pinagmalasakitan ay naruon at nakikipagmabutihan sa isang katunggali! Doble dagok!

Bumalik ako sa lugar ng trabaho sa itinakdang oras. Kinausap ako ng aking katabi. Pag usapan daw namin ang nakalipas. Naghabi ako nang mga kuwento. Nang lumipas na ang palugit ay binalikan ko na ang aking iniwan. Pinilit kong matapos ang araw. Iyon ang dapat! Iyon ang kailangan! Napakahirap ngunit dapat kong gawin!

Nang matapos na ang araw ay nilapitan ako muli nang kinauukulan. Nag usap kami. Wala na akong kawala. Ipina alam ko na sa kanya ang isang bagay na dapat niyang malaman. Ang aking kundisyon. Naging mahinahon naman siya at nagpahayag ng pag intindi at pag suporta. Gumaan naman ng bahagya ang aking nararamdaman. Sa pagtatapos ng aming pag uusap ay ipinahayag ko ang aking kagustuhang lumiban na lang muna. Binigyan niya ako ng isang araw.

Pauwi na sana ako ng makita ko naman ang siyang sa amin ay nag sanay. Nakarating na rin sa kanya ang balita. Para na rin sa katahimikan ng aking isip ay ipinaalam ko na rin sa kanya ang una ko nang inamin sa iba. Nagbigay pa ako ng ibang detalye. Pati ang mga pinag uugatan ng pag ugoy ay inilahad ko na rin. Mainam na yung nasabi ko na ang lahat. Naintindihan naman daw niya. Nais daw niyang ipaalam sa Pinuno. Nag dalawang isip ako. Natakot. Sabi naman niya ay iyon daw ang mas mainam. Kalaunan ay sumangayon ako. Bahala na!

Pagbaba ko ng gusali ay nakita ko ang siyang umaalalay sa amin. Tinanong ko kung saan ang ruta niya. Kanya namang sinagot. Kapareho nang aking destinasyon. Binanggit din niyang kasabay niya iyong taong siyang dahilan. Natanaw ko iyong tinutukoy. Alam kong nakita rin niya ako. Sumama muli ang aking loob sapagkat ni hindi man lang ako pinansin. Pakiramdam ko ay nagamit ako at naabuso. Wala na akong ibang nagawa pa kundi panoorin na lamang sila habang naglalakad palayo!

Umuwi akong mag isa. Magulo ang isip. Pagdating sa Bagong Ilog ay naglakad na lamang ako hanggang sa bahay. Pagod na pagod ako! Dinatnan kong sarado at naka kandado ang pinto. Naka alis na ang aking kapatid. Kumain lang ako saglit at pagkatapos ay naligo na at humiga. Hindi ko na namalayan na ako ay nakatulog na pala.

Sa kalagitnaan nang aking pagtulog ay nagising ako! Hanggang sa panaginip ba naman ay sinusundan ako ng bangungot ng nakaraang araw! Napanaginipan ko ang tagpo na siyang dahilan ng ikalawang pag ugoy! Napaka saklap! Ayaw ako patahimikin! Ang bigat sa dibdib! Pinilit kong iwaksi sa aking isipan ang eksenang bumabagabag sa akin! Nakatulog naman ako muli.

Pasado alas nueve na nang ako ay magising kahapon. Miyerkules! Naka kundisyon ang aking isip na ako ay magpapahinga buong araw! Pipilitin kong maging mabuti! Pipilitin kong maging masaya! Pipilitin ko miski alam kong mahirap!

May dala nang ulam ang kapatid ko nang siya ay dumating. Agad naman siyang nagkuwento tungkol sa mga naganap sa kanya. Hindi ko siya pinigil sa pag babahagi ng kanyang istorya. Nakinig ako. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbibida ay nabanggit niyang gusto na niyang lumipat ng tinitirahan. Gusto daw niyang bumalik sa Cubao. Nagbigay siya ng kanyang dahilan kung bakit ayaw na niya dito sa Pasig. Hindi ako kumontra.

Habang abala pa ang aking isip sa pag poproseso ng balitang nilahad sa akin ng aking kapatid, bigla naman akong nakatanggap ng text message mula sa isa sa mga Paaralan na aking pinag pasahan ng CV nuong nakaraang buwan! Inaanyayahan ako para sa isang Demonstration Teaching. Pinag hahanda rin ako para sa isang panayam at pinagbilinan na mag dala ng mga mahahalagang dokyumento!

Lalong nagulo ang aking isip! Gustuhin ko man na sunggaban ang pagkakataon ay tila huli na ang lahat. Bakit ngayon pa na desidido na ang aking kapatid na bumalik sa Cubao? Magiging napaka hirap naman para sa akin kung sa Cubao ako nakatira habang naandito sa parte na ito ng Pasig ang aking pinagtatrabahuhan. Kalaunan, nag desisyon akong pakawalan muna ang pagkakataong iyon. Nag reply ako sa text message na aking natanggap at gumawa na lamang ng dahilan.

Pagkatapos ng tanghalian, ako ay humiga, wala pang ilang saglit ay nakatulog na ako. Pasado alas kuwatro na ng hapon nang ako ay magising. Hindi ko na maalala pa kung may napanaginipan ba ako. Mukhang wala. Mahimbing lang akong nakatulog! Salamat naman! Malaking tulong ang pahinga na iyon sapagkat luminaw ang aking isip.

Pagkabangon ko ay agad na akong naligo. Kailangan kong maidokyumento ang isa nanamang araw! Kailangan kong lumabas upang makakuha ng mga larawan. Kailangan kong maikuwento ang mga kaganapan sa nagdaang dalawang araw! Obligasyon ko iyon sa aking sarili!

Paglabas ko ng bahay ay napansin kong makulimlim. Madilim ang langit. Umaambon. Hindi ko inalintana ang posibilidad na umulan ng malakas. Hindi ako ang bitbit ng payong. Naglakas loob akong lumarga at nagtungo sa Immaculate Conception Parish Church.

Maraming tao sa simbahan pagdating ko duon. Naghihintay sila sa pagsisimula ng misa. Nagpaka abala ako sa paglilibot sa paligid ng simbahan at sa pagkuha ng mga larawan. Hindi ako nag dasal.

Pagkatapos kong makakuha ng ilang larawan sa simbahan ay tumawid ako papunta sa Plaza Rizal. Walang gaanong mga tao. Basa ang mga upuan. May tumutugtog na malakas na awitin. Hindi ko matukoy kung saan nag mumula. Hindi ako nagtagal duon.

Mula sa Plaza Rizal ay nagtungo naman ako sa Central Park. Sa mahabang over pass ako dumaan. May nakunan din akong mga larawan mula sa itaas. Isang grupo ng mga kabataan na nagpapahinga sa may City Hall.

Pagdating ko sa Central Park ay dumiretso ako kaagad sa aking paboritong puwesto. May nakita akong isang grupo ng mga estudyante na nag sasanay sa pag sayaw! Miski na maingay sila ay naaliw naman ako ng bahagya. Natuwa ako sa kakulitan nuong pinaka maliit sa kanila at humanga naman sa tiyaga nuong tumatayong Choreographer at Lider!

Sa gitna ng panonood ko ng ensayo ay biglang pumarada sa aking harapan ang batang ito. Agad ko siyang kinunan nang larawan. Wala pang ilang minuto ay umalis na rin siya kaagad! Nang tinitignan ko na ang aking mga kuha, naisip ko na sana ay may bisikleta rin ako! Gusto kong pumunta sa malayong lugar! Gusto kong makakita ng ibang tanawin! Gusto kong tumakas mula sa lahat ng hindi maganda!

Nagpatuloy pa sa pag eensayo ng sayaw yung mga estudyante hanggang pasado alas sais. Bago mag uwian ay nagkasundo silang magkita muli sa parehong lugar kinabukasan. Natagalan lamang sila sa pagdedesisyon kung anong oras. Kalaunan, pumayag ang lahat sa ala una!

Pag alis ng mga estudyante ay tumayo na ako mula sa aking kina uupuan, huminga ng malalim, at tumingala sa langit! Madilim na. Tila nag babadya nanaman ang ulan. Kailangan ko nang umuwi. Hindi ako puwedeng mabasa! Ayoko magkasakit! Papasok pa ako bukas.

Page 367

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s